March 13, 2007

Titser

Matagal-tagal din akong natigil sa pagba-blog. Halos ganoong katagal din kasing panahon nang magkaroon ako ng problema—philosophically, psychologically, at physiologically.

Una kong kinonsidera ang isyu ng aking kalusugan. Hindi na kasi ako makapagkatulog nang maayos. Nasisira ang focus ko, na ultimo sa klase ay nawawalan ako ng konsentrasyon. Nananakit ang buto ko, ang kalamnan ko, ang ulo ko, ang tiyan ko, ang likod ko, ang binti ko, at ang pinakamatitinding nagbigay-takot sa akin, ay ang walang tigil na pagkabog ng aking dibdib.

Agad akong pumunta sa isang cardiologist. Pumunta ako sa alam kong magaling para makuha ang pinaka-mapagkakatiwalaang resulta. Makalipas ang ilang libong pisong halaga ng konsultasyon at eksaminasyon sa aking puso, lumabas na negative—wala akong dapat ipag-alala gayong mitral valve prolapse lang naman ang meron ako, sobrang laman sa puso na hindi nakamamatay at hindi naman malala (sa aking sitwasyon).

Sa kalagitnaan ng panahon na nagpapatingin ako sa puso, nakipagtagpo ako sa ilang kaibigan mula sa Psychology, at sa isang counselor, para sa paghahalukay ng aking mga issue. Bilang Psychology graduate, naniniwala ako sa bisa ng counseling. Pinili ko ang mga taong mapagkakatiwalaan upang siyasatin ang aking sikolohikal na lagay.

Sa counseling, nahalukay ang mga dapat mahalukay. Konting background tayo. Mangyari, napasok ako sa world of teaching nang may kung anong tawag akong naramdaman—dito ko naintindihan ang sinasabi nilang “calling.” Mataas na mataas ang tingin ko sa mga teacher. Nang napunta pa ako sa Professional Education classes ko, at nakasama ang powerhouse kong mga kaklase—tutors, teachers mula preparatory hanggang college, private at public, international school, Montessori; may iba’t ibang edad at karanasan; mula sa iba’t ibang pamantasan—na habang nagpapalitan kami ng kaalaman sa pagiging titser, ay nabuo naman sa akin ang isang perpektong mukha ng guro.

Pagdating ko sa aktwal na mundo ng pagtuturo, pinilit kong sundin ang imahe ng konsepto ko sa pagiging titser. At, ang bawat sablay kong gawa kaugnay sa pagiging titser, nagpatung-patong sa aking kalooban at sa isang iglap, niyanig ang aking katauhan—apektado mula kalusugan hanggang pilosopiyang sinasandigan.

Kinailangan kong patawarin ang aking sarili sa mga sablay kong nagawa; kinailangan kong maglabas ng galit kapag mali ang ginagawa ng estudyante (habang kontroloda ang aking emosyon at ginagawa); kinailangan kong ikuwento sa ilang co-teachers ang mga "katuligan, katangahan, kaulilihan, kabobohan at kung anu-ano pang kalokohan" ng mga estudyante—hindi para yurukan at tapakan ang pagkatao nila, kundi upang maproseso ko rin kung ano bang dapat gawin sa kanilang mga kakulangan.

Isa lang naman kasi ang kalaban ko—ang masabing wala akong kwentang titser, ang sabihing wala akong karapatang humarap sa aking mga estudyante upang magturo. Sabi ng ilan, normal daw ang pinagdadaanan ko bilang isang bagong titser. Mabuti raw na gumagana ang konsiyensya ko ‘pag may pakiramdam akong may maling nagaganap. Sana lang, mapatawad ako. Bago pa lamang akong titser. Itinatayo ko pa lamang ang sarili ko bilang guro. Sa puntong ito, gagamitin ko rin ang isang linyang gasgas na gasgas na, pero sa puntong ito, akmang-akma sa nararamdaman ko—kung may pagkukulang ako, pasensya na, “tao rin ako.” Titser ako, tao rin ako.

Excess:
Sa ngayon, naliliwanagan na akong muli. Ayos na. May homeostasis o balanse na halos ang lahat sa akin. May ilang modifications na sa philosophy, para sa ikabubuti ko, at ng mga tinuturuan ko. I know na medyo malabo ang pinakalaman ng blog kong ito, pero malamang, maipapaliwanag ko pa ang mga detalye sa mga susunod kong blog entry.