February 03, 2007

Happy Valentine's!

Mga bagyong Unding, Violeta, Winnie at Yoyong—ito ang mga bagyong hindi ko malilimutan noong patapos ang taong 2004, na sumalanta sa ilang lugar sa kalakhang Luzon, gaya na lamang sa lalawigan ng Quezon. Daan-daang tao ang patay.

Disyembre 2004 nang sumabay pa ang isa sa mga pinakamalaking trahedya ng bagong milenyo, matapos kumitil ng libu-libong buhay ang
tsunaming naganap na umabot sa may sampung bansa sa Asya.

Pebrero 2006, hindi ko rin malilimutan ang mga kuha sa telebisyon nang
gumuho at rumagasa ang malaking bahagi ng bundok sa Guinsaugon Leyte. Halos dalawang libo ang nilamon ng lupa at putik.

Setyembre 2006, direktang tumama sa Mega Manila ang super typhoon
Milenyo, kung saan nasaksihan at naranasan ko mismo ang paghihirap ng aming bayan dito sa Cavite nang mawasak ang mga tulay at mga establisyamento; maanod ang mga bahay; at masalanta ang ilog, dagat, taniman at iba pang kabuhayan.

Patapos na ang 2006, humabol ang isa pang super typhoon, si
Reming, na maiging hinambalos ang Kabikulan. Nabuhay ang lahar ng Mayon dahil sa tubig at rumagasa sa maraming bayan. Daan-daan din ang namatay.

***

Ang mga nasabing bangis ng kalikasan ay ilan lamang sa mga trahedyang tumatak sa aking kamalayan. Makailang ulit akong napaiyak at naantig sa tindi ng hirap na dinanas ng mga direktang nasalanta. Gaya nga ng laging linya ng paborito kong si Oprah, “I just cannot wrap my brain around it!” ‘Di ba sosyal? Hehe.

Hindi ko naman talaga balak gumawa ng isang mala-year end report, o kaya ay mag-ala Pia Guanio at mag-isa-isa ng mga “Pinaka.” Kumbaga, bumebwelo lang para sa aking pinakatema. Say “cheese.”

***

Sa sunud-sunod na bagyo noong 2004, naisipan kong kumilos. Sa may 19 na taon ng aking existence, noon ko lang naisipang kumilos. Kaya n’yo ‘yon? Nineteen years tapos saka ka lang kikilos? Ibig kong sabihin, hindi ako mapakaling tumunganga sa tindi ng trahedya sa Luzon. Gumawa ako ng isang latang alkansya na iginala ko sa aking mga kaklase, kaibigan, ka-org, at kung sinu-sino pang ka-ka.

Kung hindi ako nagkakamali, nasa 1,000 o 1,500 yata ang nakolekta ko noon na idineposito ko sa account ng
ABS-CBN Foundation. Nagpatuloy ang alkansya sa aming klase na laan sa mga kawanggawa.

***

Lumipas ang maraming taon. May 700 piso pang naipon sa alkansya na nasa akin. Siyempre graduate na, wala na ang mga kaklase. Iniisip ko ngayon kung saan magandang dalhin ang pera. “World Trade Center” ni Keanu Reeves ang gusto kong panoorin. May gusto rin akong bag. May VCD at DVDs na maganda. May mga libro rin akong pinagdidiskitahan. Pero, wala akong ekstrang pera masyado. Haha. Masyado. Kayo ha, akala n’yo pakikialaman ko ‘yung 700.

Hanggang sa hinambalos, hinagupit, sinalanta, dinelubyo, ginahasa, etc etc pa ni Reming ang Kabikulan. Hindi na naman mapakali ang inyong lingkod, na ngayon ay titser na. Nakausap ko ang isang co-teacher at nabanggit kong magsasabi ako sa aking mga estudyante kung sino ang gustong magbigay ng tulong para sa Bikol. Siya rin daw magsasabi sa mga estudyante n’ya.

Isiningit ko sa klase ang tungkol sa trahedya. Buong puso naman silang nagbigay. Isipin n’yo ‘yung isang siga na nagsasabi sa mga kaklase n’yang isakripisyo kahit isang sigarilyo, ‘di ba nakakatuwa. Sa madaling sabi, nakakolekta ako ng 250. Ang kaibigan kong titser, 250 rin sakto ang nakolekta. Nagdagdag pa siya ng 500. Tapos may 700 pa ako na mula pa noong college. Dinagdagan ko ng 300. Magkano na? ‘Di ba 2,000? Ngayon, get the cube root. Multiply n’yo sa layo ng buwan sa mundo. Minus sukat ng lalim ng Philippine Deep in centimeter. Oh ‘di ba corny? Hehe. Pero lahat-lahat ay 2,000 nga.

Nag text brigade ako sa lahat ng aking kaklase noong college para ipaalam na ido-donate ko ang 700 sa mga biktima ni Reming. Okay naman sa kanila. Malamang, wala naman silang magagawa! Hehe. Nasa akin ang koleksyon.

***

Matindi ang pila pala sa Metrobank. First time ko eh. Kinailangan ko pang bumalik at agahan sa sunod. Dahil GMA7 ang may telethon ngayon, sa kanila ako nakapag-pledge ng 1,000. Akalain mong nadoble pa.

Sana laging ganito--hindi trahedya ang hinihiling ko ha. Sana lang, nagkakaisa lagi, bigayan, tulungan… “Merry Christmas po…” *kindat!* Teka, mas bagay pala ngayong Pebrero, “Happy Valentine’s…”

9 Comments:

At 9:14 PM, Blogger tin said...

wow! pagpatuloy niyo lang yan sir at mas marami pa sana kayong matulungan. :)

 
At 10:29 PM, Anonymous Cai said...

maganda ang naisip mo sir junjun..ipagpatuloy...God bless po u...ingat...

 
At 12:44 PM, Anonymous mr. tuesday said...

kapag nakapagtrabaho ako, ill make sure na makakapagdonate din ako sa ganyan..

 
At 2:24 PM, Anonymous blink said...

hands down kuya junjun. :)

ang galing. :)

ang galing galing.

at naisip kong i can also make a difference by helping all those in need.

ang engot ko talaga. ngayon ko lang naisip yan.

hehe

 
At 4:57 AM, Anonymous rHo said...

wow sir! saludo ako sa'yo... pagpalain ka pa po sana ni Lord!

God bless po!

 
At 9:48 PM, Anonymous miselle said...

waw. ang galing mo po sir junjun. :)

 
At 4:55 AM, Blogger racky said...

saludo ako sa iyo!

sana'y maging inspirasyon ka lalo na sa mga kabataan na puro luho ang nasa isip ...

 
At 1:59 PM, Anonymous Aisha said...

sure ka kuya hndi mo gusto ng new year report? hehe ksi prang pasado na to sa isang new year report hehe anyways happy hearts day!

 
At 6:44 PM, Anonymous miselle said...

dumaan at nag-iwan ng bantas.

 

Post a Comment

<< Home