January 19, 2007

Define "ukilkil..."

Tanghalian, halos hindi ko nalasahan at hindi ko namalayang ubos na ang aking kinakain. Kinailangan ko ring ibuhos sa ilang kapwa titser ang nakakapagpabagabag (ulitin ng mabilis: nakakapagpabagabag 5x) na kaganapan. Kinagabihan, mahigit isang oras na akong nakahiga ay patuloy pa rin akong dinadalaw ng multong ako mismo ang may gawa (awooohhhh!!!).

Totoo, halos maghapon at magdamag akong hindi mapakali. Sa sandaling iyon ko lamang naramdaman at naranasan ang tunay na kahulugan ng sinasabing “nababagabag,” o mas maigi ay “inuukilkil ng budhi.” Haaay budhi, nakakatakot ka pala talagang mang-ukilkil… ukilkil… kilkil… kil… il… aw… aw-aw… aw-aw-aw… (OA na!)

Eh ano ba talagang nangyari (pasensya na kung mapalabok, gutom lang ako ngayon)? Mangyari, ang ipinagmamalaki ko sa sarili kong sakdal habang pasensya, nalagot nang tuluyan sa isang klase. Sinasabi ko sa inyo, iyong ikinalmado ko sa tuwi-tuwina, ay talagang tumiwarik at sinaniban ng galit.

Sino ba namang hindi magagalit! Aba! Ay midterm na! Wala pa ni isa! As in, “NI ISANG” papel na ipinapasa o isina-submit ang ilang estudyante! Simula prelim ‘yan ha! Aba! Halos maging parang anghel de la guardia ka na nga na bubulung-bulong sa kanang tenga nila, “Estudyante, gawa na ng activities… gagawa na siya… uuuyyy… ayan na… yuuuhuuuu…” Ay nako! Ay wala! Parang mga walang pakialam sa marka nila! Pag hindi ka naman lumipat sa kaliwang tenga at manusok ng malaking tinidor sabay sigaw, “Hoy! Gising! Gawa na! Ibabagsak ka na! Ida-drop ka na! Kumukulo, kumukulo!”

Pero iyon na nga ang nagpabagabag sa akin. Kailangan ko ba talagang isambulat ang galit?

Sabi ng ilang titser, ‘wag daw akong mag-problema sa mga estudyante, hayaan ko raw ang mga estudyante ang mag-problema sa akin. Hindi ko maintindihan, pero may parte ng sarili kong nagsasabing mali ‘yon (oh ‘di ba, “safeguard,” ito ang ‘yong kunsensya… ting!)

May mga nagsasabi namang huwag ko raw seryosohin ang klase, o ang pagkaklase to be exact. Well, kumusta naman ‘yon? Hello?

Hindi naman sa kinokontra ko ang sinasabi ng ilang co-instructors ko. Alam ko namang mahal din nila ang pagtuturo. Nauunawaan kong pampalubag-loob lang naman ang mga ibig nilang sabihin. Pero mas malakas talagang mag-ukilkil itong konsensya eh… sabung-sabon (safeguard nga)!

Sa tindi ng ukilkil, isipin n’yong napakontak above pa ako, “Hello God…” Mabuti na lang hindi kami na-wiretap.

***

Kasabay ng pag-ukilkil ng budhi ay ang pagbubungkal ko sa aking sarili. Narito ang ilan sa aking mga nabungkal:

1. Ayoko lang naman talagang may babagsak na estudyante (rationalization?). Gusto kong matuto at mag-move s’ya o sila.

2. Pakiramdam ko ay lumabag ako sa kinakapitan kong pilosopiya--ang maging kalmado at unawaing may dahilan ang lahat--kasama rito ang mga kilos at gawi ng aking mga estudyante.

3. Nagagalit ako hindi sa mismong estudyante, kundi sa kung bakit siya ganoon. Anong buhay ba kasi meron siya? Kumusta ang pamilya n’ya? Ang komunidad n’ya? Punyetang ekonomiya naman kasi eh; punyetang sistema rin ng pamahalaan (koneksyon? Meron ‘yan, tinatamad lang akong magpalawak ngayon)! Mga punyetang punyeta!

***

Nang magising ako kinabukasan matapos ang insidente ng aking mala-"Totally Outrageous Behavior," ayus-ayos na ang pakiramdam ko. Napagod yata sa pang-uukilkil si ukilkil. Sa school, nagkaroon ako ng pagkakataong makausap ang kaibigang titser din, ‘yung aming guidance counselor. Nai-kwento ko sa kanya ang aking safeguard moment. At least, natulungan n’ya akong matanggap sa sarili kong normal pa rin pala ang nangyari. Psychology ang background namin. Natulungan n’ya akong ma-realize kung ano ba talaga itong “student-centered” na siyang umiiral ‘di umanong trend sa mundo ng edukasyon ngayon, at paulit-ulit ko na ring naririnig noong nasa Professional Education classes ako (please refer to my “Nabungkal #1” above--ponder on it, tinatamad kasi uli akong mag-explain further). Kahit paano naman pala, hindi ako “subject-centered” or “teacher-centered.” Medyo ‘di ko kasi feel silang mga nasa “old school of thought” pa. But I still respect their own principles sa teaching. Kanya-kanya lang talaga ‘yan. Pero come on old people, let’s get party!

Sa mga sumunod ko pang klase, via reaction formation, tila mas humigpit ang yakap ko sa aking nabanggit ng pilosopiya (see my “Nabungkal #2). Patuloy kong ginigising ang sarili ko tuwing nakaharap ako sa klase, "Relax..."

***

Bago nga pala ako nag-type nitong blog entry na ‘to, napanood ko pa ang interview ni Oprah kay Annette Bening. Kinumusta ni Oprah si Annette sa pagiging nanay. Sumagot si Annette, ayos naman daw--may magagandang araw, at may ‘di magagandang pagkakataon. Oh ‘di ba, sosyal ang mga Hollywood celebrities na ito, nagta-Tagalog.

Kaugnay nito, may maisasagot na ako kung tatanungin ako kung kumusta ang pagiging titser. Gaya ng sabi ni Annette, “there are good days, there are bad days.” Pero pinipilit kong laging good days--and I know it is a complex process for a newbie like me.

Para sa akin pa, ang pagiging titser ay kagaya rin ng sinabi ni Annette tungkol sa pagiging artista, “cathartic," na kapag nagawa at nagampanan mo kung ano ang dapat mong gawin… ah shit… walang mang-uukilkil… wala ring kasing sarap!

January 03, 2007

Merienda time...

Sa mga simula pa lang ng pasukan, lagi kong pinapaunawa sa mga klase ko na tutulungan ko silang pumasa sa subject sa loob lamang ng semestre. Kapag tapos na ang sem at magkakaroon sila ng problema sa aking subject, tipong nabigay ko na ang marka nila, wala na akong magagawa. Dagdag ko pa, ayoko sa mga estudyanteng pupunta sa bahay at saka magmamakaawa na ipasa lang sila. Bad trip kaya ‘yon. Todo effort ang ibang estudyante maipasa lang ang subject, tapos eto ang ilan na halos hindi familiar ang mga mukha, iiyak lang ng bato at dugo sa harap mo eh makakapasa na!

Sabi ko pa, “Kapag bagsak kayo at pupunta kayo sa bahay upang magmakaawang ipasa, kahabaang painumin ko kayo ng tubig o juice, o pamiryendahin. Pero, bagsak pa rin kayo.”

***

Noong unang sem ng pagtuturo ko, pauwi na ako nang mapadaan ako sa ilang estudyanteng hawak ko noon. Kung pwede raw ba silang sumama sa akin pauwi. Dahilan sa wala naman akong kasamang magtatanghalian sa bahay, at malapit lang naman kami sa eskwelahan, isinama ko na ang mga estudyante ko.

Pangunahing dahilan ko noon kung bakit ko sila isinama ay upang makilala ko ang aking mga estudyante. Alam kong wala pang isang taon akong nakaka-graduate mula kolehiyo noon para sabihing limot ko ang damdamin ng isang estudyante, pero alam kong magkaiba kami ng mga kalagayan at gusto kong makasama rin sila sa labas ng apat na sulok ng silid-aralan.

Sa bahay, nagsaing at nagluto ako ng ulam. Nang luto na ang lahat, niyaya ko na ang aking mga estudyanteng magtanghalian. Tatlo o apat yata sila. Kumakain kami at pinakikinggan ko lang ang kanilang usapan.

***

Nito lamang bago mag-Christmas vacation, nagyaya ang isa kong estudyante sa kanilang bahay. Sa madaling-sabi, ako at isa pang titser nila na ka-fakulti ko, kasama ang may anim hanggang walong kaklase n’ya, ang sumugod sa kanilang bahay.

Sumakay kami ng traysikel mula eskwelahan pa-bayan, at jip mula bayan pa-kanila. Nasa 20 minuto ang kabuuan ng byahe. Pagkababa, may sampung minuto kaming naglakad mula highway papasok sa kabukiran.

Sa totoo lang, masaya akong nagkaroon ng pagkakataong makapaglakad muli sa mga pilapil, mapagitna sa mga itik at bibe, mausukan mula sa tungko’t de-gatong na lutuan, makalanghap ng sariwang hangin, makainom ng sabaw ng buko, at makakain ng native na manok.

***

Isang umagang-umaga, may isang grupo ng mga estudyante kong nagsadya sa lugar namin. Ipinagtanong nila sa mga taga-rito sa kalye namin ang aming bahay. Isa pala sa napagtanungan nila ang lola ko. Nagtaka pa pala ang lola ko at nagtanong, “May sakit ba at dadalawin n’yo?”

In fairness, hindi nga naman kinakailangang may sakit para lang dalawin ang isang tao. Pero dahil wala pang alas-7 ng umaga nang dumaan sila, mommy ko lang ang nakausap nila. Niyaya silang magkape. Pero dahil tulog pa ang kanilang sadya, minabuti na rin nilang umalis. May dala pa naman daw silang pandesal noon.

***

Sa totoo lang, sa tuwing may darating na estudyante rito sa bahay--sa hindi ko na mabilang na mga pagkakataon--at sa tuwing yayayain naman ako patungo sa kanila, hindi ko maiwasang magdalawang isip. Titser ako. Tama bang buksan ko nang lubusan ang lahat sa akin. Minsan, hindi ko alam kung nakakulong pa rin ba ako sa bulag na kahon ng tradisyon, o labis lang na nagiging radikal sa humanistikong aking pinaniniwalaan.

Isa lang ang maliwanag. Hindi madali ang maging isang titser. Maraming pagkakataong pilit mo mang bigyan ng sistema ang mga bagay-bagay, pilit pa rin itong babasagin ng mga hindi inaasahang sitwasyon. Gayunman, idinedepende ko na lang ang lahat sa layon at tawag ng mga pagkakataon. Sa puntong ito, napagtanto (nakanang! napagtanto?! dugo na ilong ko sa pagta-Tagalog!) kong ang pagiging titser ay hindi natatapos sa loob ng klasrum, sa loob ng fakulti rum, sa loob ng visiniti ng iskul, kundi ito ay dadalhin ng isang guro hanggang sa labas ng komunidad, loob ng kanyang tahanan, at saanman. Tunay nga, pinasok ko ang isang profesyong walang daan palabas.