December 17, 2006

Let’s face it

Isa sa mga namana ko sa aking dating professor noong college, kay Dr. Constantino Ballena (Technical Writing subject), ay ang pagtitipid ng papel. Naks! Masyadong makakalikasan. Noon kasi, si sir ang namimigay sa amin ng mga scratch papers na sinusulatan namin, at pagka-check ni sir at ‘pag revision time na, saka pa lamang kami gagamit ng bagong papel.

Kaugnay nito, sinimulan ko na ang pagtitipon ng mga papel--mga ibinalik na project, mga lumang test paper, etc etc. Talagang tila obsessive-compulsive akong nakabukud-bukod ang long scratch papers, sa short, sa may kulay pang papel; sa pwede pang mapagprintan sa computer, sa pwedeng sulatan na lang ng ballpen; sa may kalahati pang malinis, sa sangkapat pa ang malinis, at sa talagang wala nang pakinabang bukod sa mabebenta sa junk shop--naintindihan n’yo ba ang aking sorting drama? Basta sa madaling sabi, maarte akong magsinop ng scratch papers. Isa ‘yan sa mga patunay na ako’y mula sa Malalayang Sining (ano raw?).
***

Writing ang aking subject ngayong sem, at ipinagpapatuloy ko ang magandang namana sa aking prof na si Dr. Ballena (by the way, sabi ni sir, it’s not the whale ha). Tuwing draft pa lang ang sinusulat, namimigay ako ng scratch. Malaking katipiran ‘yan no! Isipin n’yo kung ilang typewriting o yellow paper ang pasumandaling maliligtas dahil sa mga scratch.

Pero ang pinakagusto kong tumbukin sa sandaling ito ay ang eksenang tumarak sa aking puso (as in! define “tumarak!”) nang sinabi ko na sa aking mga estudyanteng kailangang ipasa na ng naka-computerize ang papel. Patapos na ang klase nang may isang tahimik na lumapit sa akin. Kung pwede raw bang isulat na lang sa malinis na papel ang kanyang final paper. Sa totoo lang, natahimik ako. Masisira ang purpose kung bakit kailangang naka-computer ang papel. Pero tumawad ang estudyante, kung pwede raw bang ako na lamang ang mag-print. Nalulusaw ang puso ko (talagang spell “nalulusaw”)! Pumayag akong ako na ang mag-print. Bukod daw kasi sa magastos, hindi siya marunong mag-print. Sabi ko, ibigay n’ya na lang sa akin ng naka-diskette. Hindi pa man ako tapos magsalita para sabihing kung wala siyang diskette, pahihiramin ko na lang siya ng USB, sinabi naman niyang hindi siya marunong mag-save.

***

Matapos ang klase, tahimik akong napaupo sa aking upuan sa may faculty room. Tamang-tama ang pagkakataon dahil walang ibang titser--makakapagdrama ako ng todo! Todo na ‘to! To the highest level ever! Hehe! Parang eksena sa pelikula na nag-black and white ang tagpo upang bigyang daan ang aking pagbabalik-tanaw sa mga eksena nang nilapitan ako ng estudyante.

Computer-related ang kursong kanyang kinukuha. Hindi siya marunong mag-print at hindi siya marunong mag-save. Talagang baon hanggang kaloob-looban ng aking cardiac muscle ang sinabi n’ya habang kinakausap ako, “Kaya nga po ako nag-aaral, para matuto…”

Ayokong ikulong sa mismong tagpong iyon ang pagsisiyasat. Gusto ko sanang sa pagkakataong ito, makilala natin ang mas malawak na saklaw ng pagkatao ng aking estudyante: ang pamilyang kanyang pinagmulan, at ang pamumuhay na mayroon sila; at ang lipunang kanyang ginagalawan, na natitiyak kong bahagi rin ng ating ginagalawan. Idagdag pa rito ang katotohanang natitiyak ko: hindi nag-iisa ang estudyante kong may ganoong kalagayan.

4 Comments:

At 5:43 PM, Anonymous Anonymous said...

nakakaiyak ang ganyang mga tagpo.

i also wanna become a teacher. i just need to get some work experience so I could teach.

emman/balbahutog

 
At 10:03 PM, Blogger rHo said...

siguro nga sir... hindi sya nag-iisa!! haaay... nakakalungkot talaga ang mga ganong tagpo!

 
At 6:20 PM, Blogger tin said...

grabe sir. nakakalungkot talagang isipin na may mga ganoong estudyante. Bakit di mo turuan sir? hehehe!

 
At 5:51 PM, Blogger titser junjun said...

@tin: bagong issue 'yan... ang totoo, nai-share ko 'to sa dalawang co-teachers, at na-realize ng isa na siya nga pala ang titser nu'ng bata sa subject na itinuturo ang fundamentals of computer... when i look on things like this kasi, laging mas malawak--bakit ba hindi alam ng estudyante 'yon--perhaps ang problem ay nasa family, community... o kung saang factor... pwedeng physiological, psychological, etc...

 

Post a Comment

<< Home