November 28, 2006

Relax...

“Relax…”

Ang salitang ito na yata, sa aking palagay, ang isa sa mga pangunahing salitang bukambibig ng mga estudyante sa hawak kong mga klase. Nariyan din ang “kalma,” at “tahan.” Namana sa akin. Paano, ang mga salitang ito kasi ang lagi kong gamit sa tuwing may kung anong kaguluhan o tensyon—away o pagwawala, matinding sigawan, tawanan o anumang emosyon.

Bahagi na rin siguro ng aking lubog na kamalayan (ano raw?), o ng aking subconscious mind (ayun…), ang pagsasabi nito upang maging paalala na rin sa aking sarili na kailangan kong maging kalmado, gising ang isip, at mapayapa sa lahat ng oras.

Isa na marahil sa mga pinakamatitinding emosyong naganap sa oras ng aking klase ay nang magalit ang isa kong estudyante sa kanyang mga kaklase. Mangyari, grupu-grupo ang activity na ipinagagawa ko at wala ni isang sumama sa kanya. Mali, actually, may isang sumama, pero humiwalay din kapagdaka (wow! kapagdaka… define “kapagkdaka…).

Kaya naman, nauunawaan ko ang nararamdaman ng aking estudyante. Tahimik akong pumunta sa lahat ng kanyang kaklase upang ihanap siya ng kagrupo. Sabi ko sa kanya, “relax” muna siya. Aba! Eto! Patapos na akong maglibot sa grupu-grupo, kung saan wala akong makuhang makakagrupo n’ya, nang biglang galit na galit na nagsisisigaw ang estudyante.

Nabigla ang lahat sa klase. Tahimik ang kanina lamang ay tila nagpa-party na klase. Nabigyang daan ang galit ng estudyante. Binabawi pala ng nagagalit na estudyante ang papel (scratch paper) na nauna kong ibinigay sa bawat grupo. Nadala pala kasi ng dapat sana ay kagrupo n’ya, sa bagong napuntahang grupo, ang papel na sana ay para sa kanila (naintindihan n’yo ba? medyo magulo na yata ang mga panghalip--ayoko lang magbanggit ng mga pangalan). Oh, basta gano’n. Binabawi ng nagagalit kong estudyante ang papel, period.

Siyempre, parang naka-spring ang leeg ng klase. Pagkatapos sa nagwawalang kaklase, sa akin naman ang tingin, tapos sa kaklaseng nagwawala, tapos sa akin ulit. Tapos paulit-ulit ang lingunan. Inaabangan siguro ang sasabihin o gagawin ko.

Hala, alangang sabihin ko sa estudyanteng nagagalit na “Relax… kalma… tahan…” Baka umbagin ako! Nagsisisigaw talaga siya, na naninigas ang bagang, at nanginginig ang katawan sa galit. Sa halip, sa sarili ko sinabing, “relax… normal ang nagaganap.”

***

Tunay ngang importanteng alam ng isang titser ang background ng LAHAT ng kanyang mga estudyante. Sa mga sitwasyong nabanggit ko, mahalaga ang gayon upang maliwanag sa isang titser ang kabuuan ng istorya.

Malalim ang ugat ng lahat. Hindi nagsimula sa simpleng paglayas ng kagrupo at kawalan ng gustong sumama sa nagagalit kong estudyante. Sumasaklaw ang buong kaganapan sa kabuuan ng kanyang pagkatao--sa kanyang mga karanasan sa buhay, sa kanyang mga pinagdaanan.

Pilit ko lamang pinakakalma ang sarili ko. Ang totoo, sanay na ako sa ganitong mga tagpo--lalo na noong nasa undergraduate school pa ako para sa aking degree sa Psychology. Basta tahimik lang ako; mabuti tahimik ang klase noong mga oras na ‘yon; at hinayaan ko lang isambulat ng estudyante ang lahat ng gusto niyang isigaw at sabihin.

***

Maagang nakatapos ang nagalit na estudyante sa kanyang activity. Nagpaalam siyang magpapalamig muna sa labas, humingi rin siya ng pasensya.

Ilang oras na ang lumipas, at pauwi na ako noon nang masalubong ko pa uli siya. Pasensya na raw talaga. Sa susunod daw, susubukan na niyang maging mahinahon--mabait ang estudyante ko, alam kong mare-realize n’ya ang kanyang mga sinabi.

Mabuti na lang, naka-relax mode ang lahat sa oras na naghihimagsik ang aking estudyante. Maganda ang resulta. Minsan nga lang, buwakanang ‘yan, may mga sandaling sa gitna ng pagtuturo ko, at sarap na sarap ako sa pagsasalita, na talaga namang damang-dama ko ang lahat ng aking sinasabi, na para bang wala nang bukas para mag-discuss, sasabihan ba naman ako ng mga estudyante, “Sir, relax…”

4 Comments:

At 11:32 PM, Anonymous PAURONG said...

relax lang po titser! wah! sana titser na lang kita!

define kapagdaka? kapagdaka means immediately! tama po ba, sir?

tama rin ang sinabi mo na dapat alam ng titser ang pagkatao ng bawat estudyante niya. ano ba ang tinuturuan mo? ako po kasi ay isang fourth year high school na estudyante dito sa pasig.

sana'y maging magkaibigan po tayo.

keep in touch.
http://paurong.wordpress.com

 
At 8:28 AM, Blogger rHo said...

naalala ko tuloy nung hayskul pa ako! meron kaming kaklase na laging kinakawawa.. as in lagi talaga kc nga iniiwan sya, di sinasama or anything tapos nung nag-retreat kami... medyo naayos naman! hehehe!

natatawa ako sir, di ko maimagine... yung bang gigil na gigil ka sa pagle-lecture tapos sasabihan ka ng ganun! hahaha! di mo alam kung matatawa ka ba sa sarili mo o magagalit ka sa mga students mo! hihihihi...

 
At 10:43 AM, Blogger titser junjun said...

@paurong laging relax ang titser... hehe... and yup, tama ang iyong kapagdaka... im teaching Writing in the Discipline sa mga college students this sem... :) i really want to teach din in high school, sana payagan ako ng director next school year, kahit isang subject lang sana sa high school. :) btw, we can be friends...

@rho hehe... nako, kailangan talaga ng super habang pasensya 'pag nagtuturo... pero super enjoy talaga...

 
At 9:47 AM, Anonymous Anonymous said...

Okay ang blog mo brod at Filipino language ang "pinaka" nagamit na language!

Nga pala invite din kita minsan daan ka sa CNSHS World. Forum yan about CNSHS, its students, alumni, etc.

Kita kits!

Site Admin, CNSHS World

 

Post a Comment

<< Home