November 17, 2006

Epistaxis!

Sa maniwala kayo at sa hindi, ang inyong lingkod, ang inyong lakas-tamang titser, ngayong semestre, ay magtuturo ng Writing in the Discipline! Waheheh! Nai-imagine n’yo kaya ang isang titser na ganitong magsulat na nagtuturo ng English Writing???

Sa mga unang araw ng pasukan, sinimulan kong ipaliwanag ang silabus at maging ang mga batas (Naks! Parang nakakatakot yata!) sa aking mga klase. Isa sa aking mga ipinaliwanag ay ang panghihikayat ko sa kanilang magsalita ng Ingles. Siyempre, pa-Ingles lahat ang drama ng titser habang nagkaklase! Pero akala n’yo ba masarap mag-i-Ingles sa harap ng klaseng mabibilang mo ang may mga mukhang naiintindihan ka. Kung pakiramdaman ng iba eh hanep sila sa galing kapag nag-i-Ingles sa harap ng mga estudyanteng halos hindi sila maunawaan, pakiramdaman ko naman sa sarili ko ay nagmumukha naman akong tanga--malawak ang usaping ito at nangangailangan ng ibang pag-uukol (ibang blog entry).

Samantala, gusto kong tumbukin ngayon ang aking panghihikayat ngang nabanggit. Ipinaliwanag kong iba ang “panghihikayat” sa “pamumwersa.” Malaya sila, kung ayaw nilang magsalita ng Ingles, sila ang bahala. Sabi ko naman, ayos lang dumugo ang mga ilong nila sa pag-i-Ingles, at ayos lang dumugo ang ilong ko sa pag-intindi!

Daldal ko pa nga, este, dagdag ko pa nga, bilang halimbawa, ‘di ba ang mga sanggol, hindi naman agad natutong maglakad! Mula higa, natuto silang dumapa, gumapang, tumuwad, tumayo, lumakad, madapa, at magbangas-bangas ang mukha! Gayundin sa pagsasalita ng Ingles. Kung kinakailangang magsipagduguan ang mga ilong namin, ayos lang! Walang problema! Ang importante, mababawasan ang pagdurugo at tuluyang gumaling ang mga sugat.

Hinikayat ko rin ang lahat ng aking mga estudyante na magdala ng napkin. Panakip sa ilong diretso pahaba sa bibig ang napkin sakali mang matindi ang pagdurugo. Sabi ko pa, dapat “with wings” ang napkin para ‘yung wings, diretso naman panaklob sa magkabilang tenga, sakaling sumirit ang dugo sa tenga. Pinagdadala ko rin sila ng panyo para pamunas kung matindi at may pagdurugo pa sa mata o ibang bahagi ng katawan. Ulit, ayos lang sa simula ang mga pagdurugo. Ito ang gamit ko nang mag-Tagalog ako: “Class, ayos lang na balinguynguyin tayo sa simula…” Take note, may diin sa salitang “balinguyngoy.” Gustung-gusto ko ‘yung salitang ‘yon eh--balinguyngoy, balinguyngoy, balinguyngoy!!! Sarap ulit-ulitin!!! Balinguyngoy-balinguyngoy-balinguyngoy!!!

Sa huli, iisa lang ang sagot nila sa aking katanungang kailan nila mas gugustuhing balinguynguyin, ngayon na, o kapag magtatrabaho na sila. Pinili nila ang una. Kayo, kung may balinguyngoy rin kayo sa Ingles, kelan n’yo gustong balinguynguyin? Ngayon, na habang may pagkakataong maiwasto ng formal; o saka na, kapag sumisirit na ang dugo kahit sa mga hibla ng buhok n’yo?

Pahabol: Balinguyngoy! Balinguyngoy! Balinguyngoy!!!

***

Epistaxis?

3 Comments:

At 2:04 AM, Blogger rHo said...

balinguynguy... kailangan lang dahon ng bayabas dyan titser!! hihihihi...

ganyan naman talaga, mahirap sa una pero pag nasanay na.. aba, baka puro mga inglesero at inglesera na ang mga estudyante mo!!

 
At 10:10 PM, Anonymous ralphT said...

ang lalim! o tanga lang talaga ako... lolz ;)

 
At 8:29 PM, Anonymous titser junjun said...

@rho: hehe... yeah, langgas lang!

@ralpht: sori sa flood ko sa blog mo... u said malalim 'tong post? may "isang drama" entry ka nga sa blog mo eh... hehe

 

Post a Comment

<< Home