November 28, 2006

Relax...

“Relax…”

Ang salitang ito na yata, sa aking palagay, ang isa sa mga pangunahing salitang bukambibig ng mga estudyante sa hawak kong mga klase. Nariyan din ang “kalma,” at “tahan.” Namana sa akin. Paano, ang mga salitang ito kasi ang lagi kong gamit sa tuwing may kung anong kaguluhan o tensyon—away o pagwawala, matinding sigawan, tawanan o anumang emosyon.

Bahagi na rin siguro ng aking lubog na kamalayan (ano raw?), o ng aking subconscious mind (ayun…), ang pagsasabi nito upang maging paalala na rin sa aking sarili na kailangan kong maging kalmado, gising ang isip, at mapayapa sa lahat ng oras.

Isa na marahil sa mga pinakamatitinding emosyong naganap sa oras ng aking klase ay nang magalit ang isa kong estudyante sa kanyang mga kaklase. Mangyari, grupu-grupo ang activity na ipinagagawa ko at wala ni isang sumama sa kanya. Mali, actually, may isang sumama, pero humiwalay din kapagdaka (wow! kapagdaka… define “kapagkdaka…).

Kaya naman, nauunawaan ko ang nararamdaman ng aking estudyante. Tahimik akong pumunta sa lahat ng kanyang kaklase upang ihanap siya ng kagrupo. Sabi ko sa kanya, “relax” muna siya. Aba! Eto! Patapos na akong maglibot sa grupu-grupo, kung saan wala akong makuhang makakagrupo n’ya, nang biglang galit na galit na nagsisisigaw ang estudyante.

Nabigla ang lahat sa klase. Tahimik ang kanina lamang ay tila nagpa-party na klase. Nabigyang daan ang galit ng estudyante. Binabawi pala ng nagagalit na estudyante ang papel (scratch paper) na nauna kong ibinigay sa bawat grupo. Nadala pala kasi ng dapat sana ay kagrupo n’ya, sa bagong napuntahang grupo, ang papel na sana ay para sa kanila (naintindihan n’yo ba? medyo magulo na yata ang mga panghalip--ayoko lang magbanggit ng mga pangalan). Oh, basta gano’n. Binabawi ng nagagalit kong estudyante ang papel, period.

Siyempre, parang naka-spring ang leeg ng klase. Pagkatapos sa nagwawalang kaklase, sa akin naman ang tingin, tapos sa kaklaseng nagwawala, tapos sa akin ulit. Tapos paulit-ulit ang lingunan. Inaabangan siguro ang sasabihin o gagawin ko.

Hala, alangang sabihin ko sa estudyanteng nagagalit na “Relax… kalma… tahan…” Baka umbagin ako! Nagsisisigaw talaga siya, na naninigas ang bagang, at nanginginig ang katawan sa galit. Sa halip, sa sarili ko sinabing, “relax… normal ang nagaganap.”

***

Tunay ngang importanteng alam ng isang titser ang background ng LAHAT ng kanyang mga estudyante. Sa mga sitwasyong nabanggit ko, mahalaga ang gayon upang maliwanag sa isang titser ang kabuuan ng istorya.

Malalim ang ugat ng lahat. Hindi nagsimula sa simpleng paglayas ng kagrupo at kawalan ng gustong sumama sa nagagalit kong estudyante. Sumasaklaw ang buong kaganapan sa kabuuan ng kanyang pagkatao--sa kanyang mga karanasan sa buhay, sa kanyang mga pinagdaanan.

Pilit ko lamang pinakakalma ang sarili ko. Ang totoo, sanay na ako sa ganitong mga tagpo--lalo na noong nasa undergraduate school pa ako para sa aking degree sa Psychology. Basta tahimik lang ako; mabuti tahimik ang klase noong mga oras na ‘yon; at hinayaan ko lang isambulat ng estudyante ang lahat ng gusto niyang isigaw at sabihin.

***

Maagang nakatapos ang nagalit na estudyante sa kanyang activity. Nagpaalam siyang magpapalamig muna sa labas, humingi rin siya ng pasensya.

Ilang oras na ang lumipas, at pauwi na ako noon nang masalubong ko pa uli siya. Pasensya na raw talaga. Sa susunod daw, susubukan na niyang maging mahinahon--mabait ang estudyante ko, alam kong mare-realize n’ya ang kanyang mga sinabi.

Mabuti na lang, naka-relax mode ang lahat sa oras na naghihimagsik ang aking estudyante. Maganda ang resulta. Minsan nga lang, buwakanang ‘yan, may mga sandaling sa gitna ng pagtuturo ko, at sarap na sarap ako sa pagsasalita, na talaga namang damang-dama ko ang lahat ng aking sinasabi, na para bang wala nang bukas para mag-discuss, sasabihan ba naman ako ng mga estudyante, “Sir, relax…”

November 27, 2006

OMG!!!

Baka akala ng ilan sa inyo, puro kalokohan ang alam ko. Siyempre, isa sa mga maipagmamalaki kong katangian bilang isang Lasalyano (Lasalista kung trip kong magpakonyo), ay ang pananampalataya bilang Kristiyano--Diyos ko, ako ba ‘to?!

Cheer Leader: Animo…

Titser Junjun: Luku-luko!

Cheer Leader: Hindi! Animo?

Titser Junjun: Gago?

Cheer Leader: Hindi! Animo?!!!
Titser Junjun: Ewan ko sa ‘yo!

Cheer Leader: La Salle!

Titser Junjun: Alam mo pala eh!

Cheer Leader: Tarantado!

Titser Junjun: Lakas-tama lang…

***

Nang maging titser ako, bahagi ng panimula lagi ang pagdarasal. Wala akong pakialam kung anong relihiyon pa ng aking estudyante, pakay ko lang namang magdasal kami.

Napansin ko lang, konsistent ‘yan--napakadalang na sa may 450 kong nahawakang estudyante, may magvovoluntir o buo ang loob ‘pag pamumuno sa dasal ang usapan. Kita naman sa kilos ng estudyante... ‘pag tipong nagpapapilit lang, eh ‘di pinipilit ko para manguna sa dasal; ‘pag tipong ikamamatay ng estudyante ‘pag nag-lead sa dasal, eh ‘di hahanap ako ng iba, o kaya ako na ang mangunguna sa dasal; ‘pag naman mahiyain lang talaga, eh ‘di kung anu-anong istrateji ang iniisip ko mawala lang ‘yang buwakanang hiyang taglay.

Isa pang konsistent kong napansin, kapag ayaw mag-lead ng estudyante sa dasal, ay ang pagsasabing “Iglesia” raw siya. Sabi ko naman, nagdarasal din naman ang mga Iglesia ni Kristo; alam ko nga pati mga kulto nagdarasal din eh--mas mabuti nga ‘yon, maririnig ang iba’t ibang dasal.

Unang semestre ng pagtuturo ko, nang una kong marinig ang pagdadahilang “Iglesia” raw siya (ang aking estudyante) kaya ayaw niyang magdasal. Hindi ko na pinilit dahil mukhang matutunaw na talaga ang estudyante kapag kinulit ko pa. Nakahanap naman ako ng ibang magli-lead sa dasal.

Eh ‘di ayan, okay na. Tila napahinahon ang marami sa klase dahil pakiramdam yata ng mga ayaw manguna sa dasal ay nailigtas sila ng napapayag ko--salamat sa tagapagligtas! Salamat!
Matapos ang dasal, siyempre, nag-antanda na ang mga Romano Katoliko. At, saan ka, ang kaninang Iglesia ni Kristo, kuntodo antanda rin ng krus! Tsk! Tsk! Tsk! Magagalit si Bro. Eli Soriano n’yan eh…


***

Mairagdag ko lang. Naalala ko kasi nu’ng college na pabibo ako masyado sa Campus Ministry. Nagle-lector pa nga ako sa mga misa sa school.

Tapos isa sa mga hindi ko malilimutang pagli-lead sa dasal ay nang minsan, nag-volunteer pa akong mag-lead sa closing prayer namin sa isang Religion class. Siyempre dapat solemn ang panalangin. Tamang-tama ang ambience. Nasa aircondintioned room kami, tapos pumunta ako sa podium at gumamit pa ng mikropono. Dala ang aking Bibliya, pinili kong basahin bilang panimula sa dasal ang isa sa mga paborito kong bahagi sa Aklat, ang Corinthian 13 na tungkol sa pag-ibig. English ang Bible kong gamit at talaga namang walang papantay sa katahimikan at kadalisayan ng aking pagbasa. Ganito:

“If I speak with the tongues of men and of angels, but do not have love, I have become a noisy gong or a clanging cymbal. If I have the gift of prophecy, and know all mysteries and all knowledge; and if I have all faith, so as to remove mountains, but do not have love, I am nothing. And if I give all my possessions to feed the poor, and if I surrender my body to be burned, but do not have love, it profits me nothing.”

Nang sumapit ako sa verse four (4) kung saan sinasabing “love is not jealous,” nabasa ko bigla ang jealous bilang “jilos.” Hala, pasaway talaga ang mga kaklase ko (parang ako)! Nagpigil na lahat sa pagtawa na lalong nagpatindi sa amba ng bombang pwedeng sumabog kapag natagalan ang mga pagpipigil.

Dalawa na tuloy simula noon ang panlokong salita sa akin, “jilos” at “Islowveykya” (para naman sa Slovakia).

November 17, 2006

Epistaxis!

Sa maniwala kayo at sa hindi, ang inyong lingkod, ang inyong lakas-tamang titser, ngayong semestre, ay magtuturo ng Writing in the Discipline! Waheheh! Nai-imagine n’yo kaya ang isang titser na ganitong magsulat na nagtuturo ng English Writing???

Sa mga unang araw ng pasukan, sinimulan kong ipaliwanag ang silabus at maging ang mga batas (Naks! Parang nakakatakot yata!) sa aking mga klase. Isa sa aking mga ipinaliwanag ay ang panghihikayat ko sa kanilang magsalita ng Ingles. Siyempre, pa-Ingles lahat ang drama ng titser habang nagkaklase! Pero akala n’yo ba masarap mag-i-Ingles sa harap ng klaseng mabibilang mo ang may mga mukhang naiintindihan ka. Kung pakiramdaman ng iba eh hanep sila sa galing kapag nag-i-Ingles sa harap ng mga estudyanteng halos hindi sila maunawaan, pakiramdaman ko naman sa sarili ko ay nagmumukha naman akong tanga--malawak ang usaping ito at nangangailangan ng ibang pag-uukol (ibang blog entry).

Samantala, gusto kong tumbukin ngayon ang aking panghihikayat ngang nabanggit. Ipinaliwanag kong iba ang “panghihikayat” sa “pamumwersa.” Malaya sila, kung ayaw nilang magsalita ng Ingles, sila ang bahala. Sabi ko naman, ayos lang dumugo ang mga ilong nila sa pag-i-Ingles, at ayos lang dumugo ang ilong ko sa pag-intindi!

Daldal ko pa nga, este, dagdag ko pa nga, bilang halimbawa, ‘di ba ang mga sanggol, hindi naman agad natutong maglakad! Mula higa, natuto silang dumapa, gumapang, tumuwad, tumayo, lumakad, madapa, at magbangas-bangas ang mukha! Gayundin sa pagsasalita ng Ingles. Kung kinakailangang magsipagduguan ang mga ilong namin, ayos lang! Walang problema! Ang importante, mababawasan ang pagdurugo at tuluyang gumaling ang mga sugat.

Hinikayat ko rin ang lahat ng aking mga estudyante na magdala ng napkin. Panakip sa ilong diretso pahaba sa bibig ang napkin sakali mang matindi ang pagdurugo. Sabi ko pa, dapat “with wings” ang napkin para ‘yung wings, diretso naman panaklob sa magkabilang tenga, sakaling sumirit ang dugo sa tenga. Pinagdadala ko rin sila ng panyo para pamunas kung matindi at may pagdurugo pa sa mata o ibang bahagi ng katawan. Ulit, ayos lang sa simula ang mga pagdurugo. Ito ang gamit ko nang mag-Tagalog ako: “Class, ayos lang na balinguynguyin tayo sa simula…” Take note, may diin sa salitang “balinguyngoy.” Gustung-gusto ko ‘yung salitang ‘yon eh--balinguyngoy, balinguyngoy, balinguyngoy!!! Sarap ulit-ulitin!!! Balinguyngoy-balinguyngoy-balinguyngoy!!!

Sa huli, iisa lang ang sagot nila sa aking katanungang kailan nila mas gugustuhing balinguynguyin, ngayon na, o kapag magtatrabaho na sila. Pinili nila ang una. Kayo, kung may balinguyngoy rin kayo sa Ingles, kelan n’yo gustong balinguynguyin? Ngayon, na habang may pagkakataong maiwasto ng formal; o saka na, kapag sumisirit na ang dugo kahit sa mga hibla ng buhok n’yo?

Pahabol: Balinguyngoy! Balinguyngoy! Balinguyngoy!!!

***

Epistaxis?

November 11, 2006

Balot? Penoy? Pugo!

Noong unang semestre ng aking pagtuturo, napansin kong konsistent, walang dudang nabubuhay ang dugo ng mga estudyante kapag may kinalaman na sa sex ang usapan. Walang sablay ‘yan. Mapa-Behavioral Science man, Literatures, o Biological Science. Dahil hindi ko na kayang katagpuin pa si Sigmund Freud, si Margarita Holmes man lang sana ay makausap ko.

Hinding-hindi ko malimutan ang isang tagpo nang nasa Human Reproductive System kami. Sa kalagitnaan ng usapan, itinanong ng estudyante kong may asawa na, “Sir, bakit ‘yung bayag ng asawa ko hindi pantay?”

Hindi pa man ako nakasasalita, sumabat naman ang isa pang may asawa na rin, “Naman!!! Sa asawa ko hindi…”

Sumagot ang isang bakla sa klase patungkol sa ikalawang kaklaseng nagsalita, “Baka hindi mo lang napapansin… hindi nga raw talaga pantay ‘yon!”

Nagsimulang mabuo ang isang debate kung pantay nga ba ang dalawang bayag ng lalaki o hindi. May ilang saglit akong tumahimik: una, hindi ko alam ang isasagot dahil hindi ko talaga nasusuring mabuti ang mga itlog ko kahit naririnig ko na ang tungkol sa nasabing isyu; at pangalawa, gusto kong marinig ang mga sinasabi ng aking mga estudyante.

Patuloy ang diskusyunan ng aking mga estudyante. Pilit kong inaalala ang itsura ng bayag ko para malaman kung pantay nga ba o hindi. Kailangan ko na kasing magsalita. Hindi naman pwedeng saka pa lang kumambyo at salatin kung ano ba talaga. Buweno, ito ang isa sa mga tanong na kailanman ay hindi ko pa nababasa sa mga nabasa kong libro--bagaman tiyak na may siyentifikong kapaliwanagan kung totoo man--at ang mga ganitong sitwasyon ang madalas pagdebatihan naman ng mga titser kung papaano ba kahaharapin.

Pero ano pa nga bang sasabihin ko? Wala talaga akong konkretong maisasagot tungkol sa maagham na paliwanag tungkol dito. Napalampas ko man ang isang pagkakataong nasagot sana ang isang matinding katanungan, nagkaroon naman ng pagkakataon upang mabungkal ang ilang bagay sa klase. Wala man kaming librong makitaan tungkol sa usaping pinagtatalunan, nawa’y naging hudyat ito na sa hinaharap, mahanap din namin ang tamang kasagutan, at akmang paliwanag.

Samantala, naalala ko tuloy ang bespren kong babae sa college. Tinanong n’ya minsan kung may buhok ba ang ulo ng titi. Ito ang siyento porsiyentong walang duda at gatol kong nasagot, “Bespren, walang buhok ang ulo ng titi.”

November 10, 2006

All for the love of thee

Extending my field from Psychology to Professional Education extended my group of friends also. Marami akong naging bagong kaibigan sa loob lang ng ilang buwan simula ng mag-units ako sa education, mag-review, mag-board exam, at mapunta sa actual teaching profession.

Mga two weeks ago, nakatanggap ako ng text mula sa isa sa mga naging close friends ko sa education. I know her dilemma. Gusto n’yang mag-pursue sa graduate school at hindi n’ya kakayanin kung sa salary n’ya sa pagtuturo ang aasahan n’ya.

Mahal na mahal n’ya ang pagtuturo. Sa kanya ko nakikita ‘yung sarili ko na addicted din yata sa pagtuturo. Ngayon, kailangan n’ya munang i-sacrifice ang teaching by going to the corporate world. Alam ko naman ang reason n’ya: ang magkaroon ng higher salary para matustusan ang graduate schooling, at later ay makabalik sa teaching.

Pero hindi ko kinaya ang present dilemma n’ya noong time na nagtetext kami. She was asking kung nakapagpa-medical test na ba ako. Worried s’ya kung itatanong or lalabas sa result kung sexually active ang pasyente. Kasama n’ya raw kasi ang nanay n’ya sa check up. Sabi ko sa NBI clearance ‘yun aalamin! Hehe. Nawindang siya kasi magpapa-NBI rin pala siya--kasama sa mga requirement sa bago niyang work na papasukan. Since mukhang agitated talaga ang aking kaibigan, sinabi ko nang base sa aking experience (hehey! experience….) hindi naman inalam.

Nang kalmado na ang aking kabigan, turn ko naman. Wala kaya siyang boyfriend man lang! Anung pino-problema n’ya? Matapos niyang i-kwento ang mga bagay-bagay, ito lang ang aking nasabi sa text: “okay, astig! basta ingat! ‘pag nabuntis, ‘wag ipalaglag! hehe…” (Oh… ‘wag nang alamin… wala namang dapat ikawindang… maliban kung talamak sa katawan ang pagiging tsimoso o tsismosa… hehe… hindi ko sasabihin kung anong meron…)

***

Nito lang, nagtext uli ang aking kaibigan. Magsisimula na raw siya sa new work n’ya. Mas malaki nga ang sweldo kaysa nu’ng nagtuturo siya. Plus, may car pa siya ngayon, gas allowance, food allowance, daily allowance, medical benefits, etc. etc! Biro ko nga, i-apply n’ya agad ako sa work n’ya!

Pero kabado nga raw siya. Sabi ko, normal naman ang kabahan kapag magsisimula na sa bagong work. Pero iba pala, kabado siya dahil hinala n’ya, buntis siya.

November 08, 2006

WANTED: Jumbo hotdog

May 2006. Habang patapos na ang summer classes ko para sa Professional Education, minabuti ko nang maghanap-hanap ng eskwelahang pagtuturuan. Kulang na lang eh ipa-tarpaulin ko ang aking resumé dahil talagang 21 years in the making ‘yon. Kung saan-saang eskwelahan din ako nakarating. Medyo mahirap ang labanan dahil bagong graduate ako, virgin pa (wala pa kasing karanasan), at ni walang elibility.

Suot ang isa sa aking mga pamatay na attire, mala-piloto look nga raw sabi ng ilan kong estudyante kapag nakikitang suot ko, nagtungo ako sa isang eskwelahan para mag-apply. Kahit kinakabahan, laging kalmado epek ang drama ko. Mabuti at mabait ang humarap sa aking isa sa mga head ng school. Talagang wala akong masabi bilang aplikante. Imagine the kindest person na maiisip n’yo para sa isang aplikante--ako pa ang pinamimiryenda, inaalala ang aking kondisyon, sitwasyon at kung anu-ano pang “on-on-on.”

“Yes sir, yes sir.” Para akong ulaga sa kaye-yes sir. Hanggang sa nalibang kami sa pag-uusap; at hala, Panginoong mahabagin!!! Ikinabigla ko na ang mga sumunod na topic. Head: Ang gwapo mo noh? Nahihiya tuloy ako sa iyo.

Junjun: (Ngiti lang ako pero kabado na.)

Head: Ano’ng sikreto mo’t tumangkad ka ng ganyan?

Junjun: (Laking kalye ako’t alam ko ang patutunguhan nito.) Mahilig po kasi ako sa gulay at prutas.

Head: Hindi ‘yon. Ano pa?

Junjun: Hindi rin po ako nagpupuyat.

Head: Eto naman… (Pa-cute na si sir sa akin!) Behavioral Science major ka, dapat alam mo ‘yan…

Junjun: (Ngumiti lang uli ako. Aba’t isinali pa ang course ko sa pagnanasa sa akin.)

Head: See? Tapos may sinasabi pa silang kapag matangkad daw, malaki ang… you know, alam mo na. Totoo ba ‘yon?

Junjun: (Aba, Diyos ko, parang hindi ako makahinga sa takot na nararamdaman ko!) Hindi ko po alam.

Head: Meron kasi akong driver noon, maliit lang na tao. Lumapit sa akin at may problema raw siya. ‘Ka ko, ano pang problema mo, maayos naman ang buhay mo. Iyon, sobrang laki raw ng ano n’ya… ng titi. Naku, at pinakita sa akin, ay napakalaki nga! Natatakot daw ngayon siya at baka matakot ang babae.

Junjun (Naku po, ay parang lulubog na ako sa kinauupuan ko. Parang ayoko ng mag-titser ‘pag ganito! Isipin mong balak pa yatang tingnan din ang akin!)

Iyon, habang dumadaldal siya, hinapit ko ng text ang mga kaibigan para sabihin ang sitwasyon ko. In case na matagpuan akong duguan at walang buhay, alam nilang ginahasa ako ng isang bakla! Waaahhh!!! Naninindig ang balahibo ko! Hindi ko na alam kung anong pagdadahilan ang ginawa ko para makaalis. Maaga akong pumunta, at balak pang doon na raw ako magtanghalian kasabay n’ya. Huwag na! Nag-aapply ako. Gusto kong mag-titser, at ayoko pong mag-callboy.

Sino si Titser Junjun?

Titser Jun-jun: Mala-Jose Rizal ang drama sa una kong titser, ang mommy ko. Wala akong maalalang gamu-gamo noong mga panahong 'yon, garapata lang yata ng aso. "Garapata, masusunog ka! Waaahhh!!!" Salamat sa DSWD para sa aking Day Care, at sa mababang paaralang sentral ng aking pinakamamahal na bayan ng Naic, Cavite para sa aking kindergarten at buong elementarya. Naranasan kong maging tagalista ng maingay, tagasulat sa klas record, tagasulat ng walang katapusang lektyur sa blakbord, at kung anu-ano pang sulat--kaya yata eto't sumusulat pa rin ako. Nga pala, naranasan ko ring maging tagahatid ng apo ng titser--araw-araw 'yan; at tagagawa at tagatinda ng sandwich business ng ilang titser, at isa sa mga tagabili rin ng pagkaing ako rin ang naghanda! "Hoy maling! Maling! Maling kayo d'yan!" At sa wakas, nagsawa ako sa Maling.

Medyo inggit lang ako sa ilan kong kaklase noon kasi hindi ako naging tagabunot ng puting buhok ng titser, tagapag-uwi ng mga bag nila, tagahugas ng pinagkainan, o tagamasahe ng katawan. Pero hindi ko kinainggitan 'yung mga kaklase kong sinampal ng alpombra sa mukha, hinubuan sa unahan, hinila ang patilya, pinandilatan ng mala-tarsier na mata, niratrat ng armalite na bunganga ni ma'am, at kung anu-ano pa. Tama na 'yung umiyak ako nu'ng Grade 3, at pinalo ng stick sa kamay nu'ng grade 4 (SLN ang kaluluwa ng aking guro).

Aba, ayan, kung kelan nag-high school, saka ako napalabas ng kwarto, hindi pinapasok sa kwarto, at mabuti't hindi naman naikulong sa kwarto. Naging manghuhula rin ako ng ilang titser, napasali sa mga awayan ng ilang guro, at kung 'di man madalas, ay minsan-minsang nagiging paksa ng tsismisan sa fakulti.

Nasanay naman na ako sa parang agos ng mga instraktor at profesor nitong college, sa seme-semestreng pagpapalit-palit. Dalawa ang naging tinik sa aking lalamunan; at ang paborito naming sabihin sa madre naming titser, "Sister, masamang magsinungaling! Sabi mo madali ang exam, napakahirap!!!"

Nang matapos ang kurso sa pag-aaral sa ugali at kilos ng tao, may kung anong matinding tawag ng laman, este, tawag sa pagtuturo akong naramdaman. Agad kong tinapos ang mga kailangang unit sa pagtuturo sa loob ng summer dahil tiyak ako, gusto kong magturo (ulitin ang pagbasa sa madramang tono: "dahil tiyak ako, gusto kong magturo…"). Binasa n'yo ba uli? Kita n'yo na, titser na titser na 'ko. Ngayon naman, basahing muli ang nasabing linya hanggang maisaulo… Hehe…

Hunyo sa muling pagbubukas ng paaralan matapos ang graduation sa college at isang summer, nagbalik ako sa mga paaralan hindi bilang estudyante kundi bilang part time faculty. Wala pang post-graduate degree o eligibility kaya part timer muna tayo; at, college instructor ang pinagpilitan kong pasukan. Sa awa ng Diyos, mala-kalabaw at lagari akong kumayod sa dalawang malapit na kolehiyo at pamantasan. Mabaliw-baliw ako sa pagtuturo ng 1) Zoology 2) Biological Science 3) General Psychology 4) Afro-Asian Literature 5) Afro-Asian Literature 6) Introduction to Behavioral Science.

Dagdag lang, Professional Teacher na rin daw po ang inyong lingkod sang-ayon sa PRC, at hindi ko alam kung magagamit ko pa ba bilang titser sa sekundarya ang aking lisensya, o dekorasyon na lang ‘yun sa wallet ko. Nananalangin akong makapagturo sa high school, kahit hindi 'yung major kong huwag n'yong ikabibigla, "Values Education." Sa'n ka pa! "Class, don't say bad words! Pakshet masama 'yon!"

Para naman maging patas at baka sabihin n'yo ay nagbubuhat ako ng bangko, narito ang sinabi ng aking ilang estudyante sa isang evaluation na pinagawa ko sa kanila.

Belle:
"Laging naka-polo… na parang isang piloto."

Rea:
"…Matangkad, payat, maputi, at gwapong lalake. Noong una ay inakala kong isa syang ahente ng kung ano… (ang mga) mata nyang may kalakihan at (may) makakapal na kilay…"

Shiela:
"Si sir ay hindi kapogian, katamtaman lang…"

Mary:
"Ang DALDAL NIYA!!!"

Aiza:
"Mala-artista pa ang titser namin."

Jeff:
"Conscious sa kanyang katawan.. maarte nga… at siya ay eleganteng kumilos na parang dugong bughaw."

***

Ayan, talagang kitang-kita n'yo na ang aking pagiging titser batay sa mga inilahad kong evalwasyon. Ilan lamang 'yan mula sa halos 200 kong estudyante. Basta pasuk-pasok lang kayo rito sa blog ko 'pag vacant kayo, para sa mga lesson na ilalahad ko. Okay? Marami ‘yan, nasa lesson plan at silabus ko. Ang absent, hindi makaka-graduate!!!