March 13, 2007

Titser

Matagal-tagal din akong natigil sa pagba-blog. Halos ganoong katagal din kasing panahon nang magkaroon ako ng problema—philosophically, psychologically, at physiologically.

Una kong kinonsidera ang isyu ng aking kalusugan. Hindi na kasi ako makapagkatulog nang maayos. Nasisira ang focus ko, na ultimo sa klase ay nawawalan ako ng konsentrasyon. Nananakit ang buto ko, ang kalamnan ko, ang ulo ko, ang tiyan ko, ang likod ko, ang binti ko, at ang pinakamatitinding nagbigay-takot sa akin, ay ang walang tigil na pagkabog ng aking dibdib.

Agad akong pumunta sa isang cardiologist. Pumunta ako sa alam kong magaling para makuha ang pinaka-mapagkakatiwalaang resulta. Makalipas ang ilang libong pisong halaga ng konsultasyon at eksaminasyon sa aking puso, lumabas na negative—wala akong dapat ipag-alala gayong mitral valve prolapse lang naman ang meron ako, sobrang laman sa puso na hindi nakamamatay at hindi naman malala (sa aking sitwasyon).

Sa kalagitnaan ng panahon na nagpapatingin ako sa puso, nakipagtagpo ako sa ilang kaibigan mula sa Psychology, at sa isang counselor, para sa paghahalukay ng aking mga issue. Bilang Psychology graduate, naniniwala ako sa bisa ng counseling. Pinili ko ang mga taong mapagkakatiwalaan upang siyasatin ang aking sikolohikal na lagay.

Sa counseling, nahalukay ang mga dapat mahalukay. Konting background tayo. Mangyari, napasok ako sa world of teaching nang may kung anong tawag akong naramdaman—dito ko naintindihan ang sinasabi nilang “calling.” Mataas na mataas ang tingin ko sa mga teacher. Nang napunta pa ako sa Professional Education classes ko, at nakasama ang powerhouse kong mga kaklase—tutors, teachers mula preparatory hanggang college, private at public, international school, Montessori; may iba’t ibang edad at karanasan; mula sa iba’t ibang pamantasan—na habang nagpapalitan kami ng kaalaman sa pagiging titser, ay nabuo naman sa akin ang isang perpektong mukha ng guro.

Pagdating ko sa aktwal na mundo ng pagtuturo, pinilit kong sundin ang imahe ng konsepto ko sa pagiging titser. At, ang bawat sablay kong gawa kaugnay sa pagiging titser, nagpatung-patong sa aking kalooban at sa isang iglap, niyanig ang aking katauhan—apektado mula kalusugan hanggang pilosopiyang sinasandigan.

Kinailangan kong patawarin ang aking sarili sa mga sablay kong nagawa; kinailangan kong maglabas ng galit kapag mali ang ginagawa ng estudyante (habang kontroloda ang aking emosyon at ginagawa); kinailangan kong ikuwento sa ilang co-teachers ang mga "katuligan, katangahan, kaulilihan, kabobohan at kung anu-ano pang kalokohan" ng mga estudyante—hindi para yurukan at tapakan ang pagkatao nila, kundi upang maproseso ko rin kung ano bang dapat gawin sa kanilang mga kakulangan.

Isa lang naman kasi ang kalaban ko—ang masabing wala akong kwentang titser, ang sabihing wala akong karapatang humarap sa aking mga estudyante upang magturo. Sabi ng ilan, normal daw ang pinagdadaanan ko bilang isang bagong titser. Mabuti raw na gumagana ang konsiyensya ko ‘pag may pakiramdam akong may maling nagaganap. Sana lang, mapatawad ako. Bago pa lamang akong titser. Itinatayo ko pa lamang ang sarili ko bilang guro. Sa puntong ito, gagamitin ko rin ang isang linyang gasgas na gasgas na, pero sa puntong ito, akmang-akma sa nararamdaman ko—kung may pagkukulang ako, pasensya na, “tao rin ako.” Titser ako, tao rin ako.

Excess:
Sa ngayon, naliliwanagan na akong muli. Ayos na. May homeostasis o balanse na halos ang lahat sa akin. May ilang modifications na sa philosophy, para sa ikabubuti ko, at ng mga tinuturuan ko. I know na medyo malabo ang pinakalaman ng blog kong ito, pero malamang, maipapaliwanag ko pa ang mga detalye sa mga susunod kong blog entry.

February 03, 2007

Happy Valentine's!

Mga bagyong Unding, Violeta, Winnie at Yoyong—ito ang mga bagyong hindi ko malilimutan noong patapos ang taong 2004, na sumalanta sa ilang lugar sa kalakhang Luzon, gaya na lamang sa lalawigan ng Quezon. Daan-daang tao ang patay.

Disyembre 2004 nang sumabay pa ang isa sa mga pinakamalaking trahedya ng bagong milenyo, matapos kumitil ng libu-libong buhay ang
tsunaming naganap na umabot sa may sampung bansa sa Asya.

Pebrero 2006, hindi ko rin malilimutan ang mga kuha sa telebisyon nang
gumuho at rumagasa ang malaking bahagi ng bundok sa Guinsaugon Leyte. Halos dalawang libo ang nilamon ng lupa at putik.

Setyembre 2006, direktang tumama sa Mega Manila ang super typhoon
Milenyo, kung saan nasaksihan at naranasan ko mismo ang paghihirap ng aming bayan dito sa Cavite nang mawasak ang mga tulay at mga establisyamento; maanod ang mga bahay; at masalanta ang ilog, dagat, taniman at iba pang kabuhayan.

Patapos na ang 2006, humabol ang isa pang super typhoon, si
Reming, na maiging hinambalos ang Kabikulan. Nabuhay ang lahar ng Mayon dahil sa tubig at rumagasa sa maraming bayan. Daan-daan din ang namatay.

***

Ang mga nasabing bangis ng kalikasan ay ilan lamang sa mga trahedyang tumatak sa aking kamalayan. Makailang ulit akong napaiyak at naantig sa tindi ng hirap na dinanas ng mga direktang nasalanta. Gaya nga ng laging linya ng paborito kong si Oprah, “I just cannot wrap my brain around it!” ‘Di ba sosyal? Hehe.

Hindi ko naman talaga balak gumawa ng isang mala-year end report, o kaya ay mag-ala Pia Guanio at mag-isa-isa ng mga “Pinaka.” Kumbaga, bumebwelo lang para sa aking pinakatema. Say “cheese.”

***

Sa sunud-sunod na bagyo noong 2004, naisipan kong kumilos. Sa may 19 na taon ng aking existence, noon ko lang naisipang kumilos. Kaya n’yo ‘yon? Nineteen years tapos saka ka lang kikilos? Ibig kong sabihin, hindi ako mapakaling tumunganga sa tindi ng trahedya sa Luzon. Gumawa ako ng isang latang alkansya na iginala ko sa aking mga kaklase, kaibigan, ka-org, at kung sinu-sino pang ka-ka.

Kung hindi ako nagkakamali, nasa 1,000 o 1,500 yata ang nakolekta ko noon na idineposito ko sa account ng
ABS-CBN Foundation. Nagpatuloy ang alkansya sa aming klase na laan sa mga kawanggawa.

***

Lumipas ang maraming taon. May 700 piso pang naipon sa alkansya na nasa akin. Siyempre graduate na, wala na ang mga kaklase. Iniisip ko ngayon kung saan magandang dalhin ang pera. “World Trade Center” ni Keanu Reeves ang gusto kong panoorin. May gusto rin akong bag. May VCD at DVDs na maganda. May mga libro rin akong pinagdidiskitahan. Pero, wala akong ekstrang pera masyado. Haha. Masyado. Kayo ha, akala n’yo pakikialaman ko ‘yung 700.

Hanggang sa hinambalos, hinagupit, sinalanta, dinelubyo, ginahasa, etc etc pa ni Reming ang Kabikulan. Hindi na naman mapakali ang inyong lingkod, na ngayon ay titser na. Nakausap ko ang isang co-teacher at nabanggit kong magsasabi ako sa aking mga estudyante kung sino ang gustong magbigay ng tulong para sa Bikol. Siya rin daw magsasabi sa mga estudyante n’ya.

Isiningit ko sa klase ang tungkol sa trahedya. Buong puso naman silang nagbigay. Isipin n’yo ‘yung isang siga na nagsasabi sa mga kaklase n’yang isakripisyo kahit isang sigarilyo, ‘di ba nakakatuwa. Sa madaling sabi, nakakolekta ako ng 250. Ang kaibigan kong titser, 250 rin sakto ang nakolekta. Nagdagdag pa siya ng 500. Tapos may 700 pa ako na mula pa noong college. Dinagdagan ko ng 300. Magkano na? ‘Di ba 2,000? Ngayon, get the cube root. Multiply n’yo sa layo ng buwan sa mundo. Minus sukat ng lalim ng Philippine Deep in centimeter. Oh ‘di ba corny? Hehe. Pero lahat-lahat ay 2,000 nga.

Nag text brigade ako sa lahat ng aking kaklase noong college para ipaalam na ido-donate ko ang 700 sa mga biktima ni Reming. Okay naman sa kanila. Malamang, wala naman silang magagawa! Hehe. Nasa akin ang koleksyon.

***

Matindi ang pila pala sa Metrobank. First time ko eh. Kinailangan ko pang bumalik at agahan sa sunod. Dahil GMA7 ang may telethon ngayon, sa kanila ako nakapag-pledge ng 1,000. Akalain mong nadoble pa.

Sana laging ganito--hindi trahedya ang hinihiling ko ha. Sana lang, nagkakaisa lagi, bigayan, tulungan… “Merry Christmas po…” *kindat!* Teka, mas bagay pala ngayong Pebrero, “Happy Valentine’s…”

January 19, 2007

Define "ukilkil..."

Tanghalian, halos hindi ko nalasahan at hindi ko namalayang ubos na ang aking kinakain. Kinailangan ko ring ibuhos sa ilang kapwa titser ang nakakapagpabagabag (ulitin ng mabilis: nakakapagpabagabag 5x) na kaganapan. Kinagabihan, mahigit isang oras na akong nakahiga ay patuloy pa rin akong dinadalaw ng multong ako mismo ang may gawa (awooohhhh!!!).

Totoo, halos maghapon at magdamag akong hindi mapakali. Sa sandaling iyon ko lamang naramdaman at naranasan ang tunay na kahulugan ng sinasabing “nababagabag,” o mas maigi ay “inuukilkil ng budhi.” Haaay budhi, nakakatakot ka pala talagang mang-ukilkil… ukilkil… kilkil… kil… il… aw… aw-aw… aw-aw-aw… (OA na!)

Eh ano ba talagang nangyari (pasensya na kung mapalabok, gutom lang ako ngayon)? Mangyari, ang ipinagmamalaki ko sa sarili kong sakdal habang pasensya, nalagot nang tuluyan sa isang klase. Sinasabi ko sa inyo, iyong ikinalmado ko sa tuwi-tuwina, ay talagang tumiwarik at sinaniban ng galit.

Sino ba namang hindi magagalit! Aba! Ay midterm na! Wala pa ni isa! As in, “NI ISANG” papel na ipinapasa o isina-submit ang ilang estudyante! Simula prelim ‘yan ha! Aba! Halos maging parang anghel de la guardia ka na nga na bubulung-bulong sa kanang tenga nila, “Estudyante, gawa na ng activities… gagawa na siya… uuuyyy… ayan na… yuuuhuuuu…” Ay nako! Ay wala! Parang mga walang pakialam sa marka nila! Pag hindi ka naman lumipat sa kaliwang tenga at manusok ng malaking tinidor sabay sigaw, “Hoy! Gising! Gawa na! Ibabagsak ka na! Ida-drop ka na! Kumukulo, kumukulo!”

Pero iyon na nga ang nagpabagabag sa akin. Kailangan ko ba talagang isambulat ang galit?

Sabi ng ilang titser, ‘wag daw akong mag-problema sa mga estudyante, hayaan ko raw ang mga estudyante ang mag-problema sa akin. Hindi ko maintindihan, pero may parte ng sarili kong nagsasabing mali ‘yon (oh ‘di ba, “safeguard,” ito ang ‘yong kunsensya… ting!)

May mga nagsasabi namang huwag ko raw seryosohin ang klase, o ang pagkaklase to be exact. Well, kumusta naman ‘yon? Hello?

Hindi naman sa kinokontra ko ang sinasabi ng ilang co-instructors ko. Alam ko namang mahal din nila ang pagtuturo. Nauunawaan kong pampalubag-loob lang naman ang mga ibig nilang sabihin. Pero mas malakas talagang mag-ukilkil itong konsensya eh… sabung-sabon (safeguard nga)!

Sa tindi ng ukilkil, isipin n’yong napakontak above pa ako, “Hello God…” Mabuti na lang hindi kami na-wiretap.

***

Kasabay ng pag-ukilkil ng budhi ay ang pagbubungkal ko sa aking sarili. Narito ang ilan sa aking mga nabungkal:

1. Ayoko lang naman talagang may babagsak na estudyante (rationalization?). Gusto kong matuto at mag-move s’ya o sila.

2. Pakiramdam ko ay lumabag ako sa kinakapitan kong pilosopiya--ang maging kalmado at unawaing may dahilan ang lahat--kasama rito ang mga kilos at gawi ng aking mga estudyante.

3. Nagagalit ako hindi sa mismong estudyante, kundi sa kung bakit siya ganoon. Anong buhay ba kasi meron siya? Kumusta ang pamilya n’ya? Ang komunidad n’ya? Punyetang ekonomiya naman kasi eh; punyetang sistema rin ng pamahalaan (koneksyon? Meron ‘yan, tinatamad lang akong magpalawak ngayon)! Mga punyetang punyeta!

***

Nang magising ako kinabukasan matapos ang insidente ng aking mala-"Totally Outrageous Behavior," ayus-ayos na ang pakiramdam ko. Napagod yata sa pang-uukilkil si ukilkil. Sa school, nagkaroon ako ng pagkakataong makausap ang kaibigang titser din, ‘yung aming guidance counselor. Nai-kwento ko sa kanya ang aking safeguard moment. At least, natulungan n’ya akong matanggap sa sarili kong normal pa rin pala ang nangyari. Psychology ang background namin. Natulungan n’ya akong ma-realize kung ano ba talaga itong “student-centered” na siyang umiiral ‘di umanong trend sa mundo ng edukasyon ngayon, at paulit-ulit ko na ring naririnig noong nasa Professional Education classes ako (please refer to my “Nabungkal #1” above--ponder on it, tinatamad kasi uli akong mag-explain further). Kahit paano naman pala, hindi ako “subject-centered” or “teacher-centered.” Medyo ‘di ko kasi feel silang mga nasa “old school of thought” pa. But I still respect their own principles sa teaching. Kanya-kanya lang talaga ‘yan. Pero come on old people, let’s get party!

Sa mga sumunod ko pang klase, via reaction formation, tila mas humigpit ang yakap ko sa aking nabanggit ng pilosopiya (see my “Nabungkal #2). Patuloy kong ginigising ang sarili ko tuwing nakaharap ako sa klase, "Relax..."

***

Bago nga pala ako nag-type nitong blog entry na ‘to, napanood ko pa ang interview ni Oprah kay Annette Bening. Kinumusta ni Oprah si Annette sa pagiging nanay. Sumagot si Annette, ayos naman daw--may magagandang araw, at may ‘di magagandang pagkakataon. Oh ‘di ba, sosyal ang mga Hollywood celebrities na ito, nagta-Tagalog.

Kaugnay nito, may maisasagot na ako kung tatanungin ako kung kumusta ang pagiging titser. Gaya ng sabi ni Annette, “there are good days, there are bad days.” Pero pinipilit kong laging good days--and I know it is a complex process for a newbie like me.

Para sa akin pa, ang pagiging titser ay kagaya rin ng sinabi ni Annette tungkol sa pagiging artista, “cathartic," na kapag nagawa at nagampanan mo kung ano ang dapat mong gawin… ah shit… walang mang-uukilkil… wala ring kasing sarap!

January 03, 2007

Merienda time...

Sa mga simula pa lang ng pasukan, lagi kong pinapaunawa sa mga klase ko na tutulungan ko silang pumasa sa subject sa loob lamang ng semestre. Kapag tapos na ang sem at magkakaroon sila ng problema sa aking subject, tipong nabigay ko na ang marka nila, wala na akong magagawa. Dagdag ko pa, ayoko sa mga estudyanteng pupunta sa bahay at saka magmamakaawa na ipasa lang sila. Bad trip kaya ‘yon. Todo effort ang ibang estudyante maipasa lang ang subject, tapos eto ang ilan na halos hindi familiar ang mga mukha, iiyak lang ng bato at dugo sa harap mo eh makakapasa na!

Sabi ko pa, “Kapag bagsak kayo at pupunta kayo sa bahay upang magmakaawang ipasa, kahabaang painumin ko kayo ng tubig o juice, o pamiryendahin. Pero, bagsak pa rin kayo.”

***

Noong unang sem ng pagtuturo ko, pauwi na ako nang mapadaan ako sa ilang estudyanteng hawak ko noon. Kung pwede raw ba silang sumama sa akin pauwi. Dahilan sa wala naman akong kasamang magtatanghalian sa bahay, at malapit lang naman kami sa eskwelahan, isinama ko na ang mga estudyante ko.

Pangunahing dahilan ko noon kung bakit ko sila isinama ay upang makilala ko ang aking mga estudyante. Alam kong wala pang isang taon akong nakaka-graduate mula kolehiyo noon para sabihing limot ko ang damdamin ng isang estudyante, pero alam kong magkaiba kami ng mga kalagayan at gusto kong makasama rin sila sa labas ng apat na sulok ng silid-aralan.

Sa bahay, nagsaing at nagluto ako ng ulam. Nang luto na ang lahat, niyaya ko na ang aking mga estudyanteng magtanghalian. Tatlo o apat yata sila. Kumakain kami at pinakikinggan ko lang ang kanilang usapan.

***

Nito lamang bago mag-Christmas vacation, nagyaya ang isa kong estudyante sa kanilang bahay. Sa madaling-sabi, ako at isa pang titser nila na ka-fakulti ko, kasama ang may anim hanggang walong kaklase n’ya, ang sumugod sa kanilang bahay.

Sumakay kami ng traysikel mula eskwelahan pa-bayan, at jip mula bayan pa-kanila. Nasa 20 minuto ang kabuuan ng byahe. Pagkababa, may sampung minuto kaming naglakad mula highway papasok sa kabukiran.

Sa totoo lang, masaya akong nagkaroon ng pagkakataong makapaglakad muli sa mga pilapil, mapagitna sa mga itik at bibe, mausukan mula sa tungko’t de-gatong na lutuan, makalanghap ng sariwang hangin, makainom ng sabaw ng buko, at makakain ng native na manok.

***

Isang umagang-umaga, may isang grupo ng mga estudyante kong nagsadya sa lugar namin. Ipinagtanong nila sa mga taga-rito sa kalye namin ang aming bahay. Isa pala sa napagtanungan nila ang lola ko. Nagtaka pa pala ang lola ko at nagtanong, “May sakit ba at dadalawin n’yo?”

In fairness, hindi nga naman kinakailangang may sakit para lang dalawin ang isang tao. Pero dahil wala pang alas-7 ng umaga nang dumaan sila, mommy ko lang ang nakausap nila. Niyaya silang magkape. Pero dahil tulog pa ang kanilang sadya, minabuti na rin nilang umalis. May dala pa naman daw silang pandesal noon.

***

Sa totoo lang, sa tuwing may darating na estudyante rito sa bahay--sa hindi ko na mabilang na mga pagkakataon--at sa tuwing yayayain naman ako patungo sa kanila, hindi ko maiwasang magdalawang isip. Titser ako. Tama bang buksan ko nang lubusan ang lahat sa akin. Minsan, hindi ko alam kung nakakulong pa rin ba ako sa bulag na kahon ng tradisyon, o labis lang na nagiging radikal sa humanistikong aking pinaniniwalaan.

Isa lang ang maliwanag. Hindi madali ang maging isang titser. Maraming pagkakataong pilit mo mang bigyan ng sistema ang mga bagay-bagay, pilit pa rin itong babasagin ng mga hindi inaasahang sitwasyon. Gayunman, idinedepende ko na lang ang lahat sa layon at tawag ng mga pagkakataon. Sa puntong ito, napagtanto (nakanang! napagtanto?! dugo na ilong ko sa pagta-Tagalog!) kong ang pagiging titser ay hindi natatapos sa loob ng klasrum, sa loob ng fakulti rum, sa loob ng visiniti ng iskul, kundi ito ay dadalhin ng isang guro hanggang sa labas ng komunidad, loob ng kanyang tahanan, at saanman. Tunay nga, pinasok ko ang isang profesyong walang daan palabas.

December 26, 2006

Potpourri: Merry Christmas

Sa dalawampu’t isang taong inilagi ko sa mundo, sa maniwala kayo at sa hindi, nito na lamang titser na ako ko naranasang dumalo sa isang all-out party. Ibig kong sabihin, ito ‘yung parting magdamagan, na may iba’t ibang tugtog at sayaw--sweet, rakrakan, etc. Nu’ng high school kasi, tinalo pa ang seminaryo at kumbento ng aming paaralang pang-agham; nu’ng college naman, hindi na uso sa amin ang gano’ng party dahil puro banda ang bida. Nga pala, ang parting sinasabi ko ay ‘yung Christmas party ng mga first year college sa school na pinagtuturuan ko. Iyon nga lang, hindi ko magawang makipagbasagan ng ulo sa pag-head bang… bakit? Baka naman tuluyang maglaho ang respeto ng mga estudyante ‘pag nag-helicopter, metal, at kung anu-anong stunt ako.

***

Kung dati-rati, mga Christmas party with my classmates at orgmates ang dinadaluhan ko, ngayon, sa kauna-unahang pagkakataon uli, Christmas party with mga katrabaho ang pinuntahan ko. Gayunman, wala naman masyadong pinagkaiba--kainang umaatikabo, mga laro, regalo, at kasiyahang walang hanggan… amen.

Pagkatapos ng party, namigay ng tig-tu-24,000 pesos sa lahat ng empleyado, titser at personel ng eskwelahan. Ulit, tumataginting na 24,000 pesos sa bawat isang faculty at support member ng paaralan. Ang saya ‘di ba! Hahaha. Ang mas masaya d’yan, dalawa kaming walang 24,000 pesos dahil pareho kaming part-timer. Pero at least, nakikita kong kaya pa ring pasiglahin ng aming paaralan ang morale ng bawat guro at kabahagi nito. Oops! May kaibahan ito sa pagiging mukhang pera… *beautiful eyes (with matching peso sign)*

***

Eto pa ang pamatay, nakatanggap din ako ng regalo mula sa isang klase na tinuruan ko last sem. Oh ‘di ba, titser na titser na! May mga nagreregalo ng mga estudyante. Hehe. Iiisip ko lang, never naman akong na-late sa klase nila, pero alarm clock ang binigay nila sa akin. Naalala ko tuloy ‘yung isang prof ko na tinulungan akong maayos ang OJT ko para sa Industrial Psychology, si Ma’am O, binigyan ko siya noon ng boxer’s... mai-share ko lang sa inyo.

***

Siyempre pa, kailangang i-practice ang pagiging titser at graduate ng psychology kahit sa pamimigay ng regalo. Sa pamimili ng regalong ibibigay, kailangang akma sa mga pangangailangan at katangian ng mga pagbibigyan. Ginamit ko ang Psychosocial Development ni Erik Erikson (naman!) bilang batayan. Sa mga inaanak ko, dahil gusto kong bigyan pa rin sila ng pera, kailangan ay ‘yung tipid na sa bibilhing mga regalo--nasa 15 ang inaanak ko. Dahil halos lahat sila ay mula sa iisang stage of development, pinili ko ang educational material na pangregalo, ang coloring book plus waluhang color. Naalala ko rin kasi na ito ‘yung isa sa mga pinakagusto kong regalong natanggap noong maliit pa ako mula sa ninang ko.

***

Katatapos pa lang ng Pasko. Ibang-iba ito kumpara sa mga nakaraan. Wala na halos akong natatanggap. Nauunawaan ko nang para lang sa mga bata ang Pasko. Sila ang mga pinakamasasaya. Sila ang sumasalo sa mga mga laman ng bulsa ng mga ninong at ninong, nanay at tatay, tito at tita, at kung sinu-sino pang tandem, like lolo at lola, etcetero at etcetera.

Kung dati-rati ay walang kasing tigas ang pagiging bato ko, inilaan kong sadya naman ang buong sweldo ko nitong Disyembre para sa pambili ng regalo at pambigay ng aginaldo. Ang halos isang buwan kong pagiging titser, nasaid sa mga namamasko, inaanak, kaibigan, at kamag-anak. Basyo ang aking bulsa, nasaid ang pera, pero wala akong duda, ang Pasko ay masaya. Liliwanagin ko ang nauna kong pahayag ('yung unang nakahilig na mga letra): Hindi lang ito, ang Pasko, sa kasiyahan ng pagtanggap para sa mga bata, kundi kasiyahan ng pagbibigay para sa matatanda (Oh ‘di ba, para rin akong tumutula).

Samantalang bago pa man ang lahat, nawa’y gaya ko, nakamtan n’yo ang maligayang Paskong hangad.